Tansong asal Ginto
Ang akdang ito ay nagpapahiwatag kung paano tinitingala ng mga kababayan nating Pilipino ang isang uring nakaa-angat ngunit nagpapasailalim naman sa mga kolonyalista. Tulad ng sa naunang akda ni Bienvenido Lumbera na ating tinalakay na pinamagatang, Edukasyong Kolonyal: Sanhi at Bunga ng Mahabang Pagkaalipin, nabanggit rito kung paanong ang isang wikang banyaga ay sumisimbolo sa karangyaan.
Dito sa akdang ito, ipinakita kung paanong ang isang pribadong paaralan na karamihan ay mayroong mga estudyanteng nakatataas ay naiimpluwensiyahan ang pag-iisip ng mababang uri ng mga Pilipino. Masasabing marami sa ating mga Pilipino ang pilit na itinataas ang kanyang sarili sa lipunan kahit na ang kanyang pinansyal na bulsa ay wala namang laman. Sila yung mga taong matatawag na mga ‘Social Climber’.
Balik tayo sa usaping pang-pribadong paaralan ng ating bansa. Muli, ang ugat kung bakit mas maraming edukasyon na ang naihahatid ng mga pribado o eksklusibong paaralan kaysa sa mga publikong paaralan na hatid ng ating gobyerno ay dahil sa ekonomiya ng pilipinas na mapapansin namang walang sariling katayuan at tagilid. Kaya tuloy ang mga ‘elite’ sa ating lipunan ay nagkukusa nang magtayo ng mga paaralan na makapagbibigay ng isang edukasyong mahal at may kalidad para na rin sa kanilang mga kauri.
Bawat isa naman sa atin ay gustong umangat, ngunit ang iba kasi ay nais umangat sa baluktot na paraan. Tulad na lamang ng mga taong lumilimot sa kailang putik na inaapakan para lamang makaapak sa makintab na sahig.
Nais kong gawing halimbawa ang isang taong malapit sa akin. Siya ay isa lamang ordinaryong empleyado na may katamtamang sahod, ngunit ang kanyang utak ay nakatuon kung paano siya titingalain bilang isang taong mayaman. Pinag-aral niya ang kanyang dalawang anak sa isang pribadong paaralan na kilala bilang paaralan ng mga haciendero sa probinsya. Pinagmamalaki niya ang paaralan ng kanyang mga anak, sinusunod niya ang lahat ng mga luho nito at pilit na ipinapakita na sila’y kapantay ng mga pamilyang mayayaman. Pero sa kabila ng lahat, puro hiram ang kanyang mga pera at halos wala na siyang mapambayad sa mga ito.
Iyon ay isang uri ng pilipinong tumitingala sa mga uring mas nakatataas. Akala yata nila na porket nakapagsusulat at nakakapakinig sila ng mga aralin sa pribadong paaralang ito ay mapapabilang na sila sa mga pilipinong ‘elite’ at sila’y mas edukado pa kaysa sa mga nag-aral sa pampublikong paaralan.
Ang ating lipunan ay itinatatak sa ating mga isipan na kapag ikaw ay nag-aral sa pribadong paaralan ay siguradong ituturing kang edukado at isang magaling na tao pagkatapos. Kaya tuloy marami sa atin ang pilit na pinapa-angat ang sarili sa pamamagitan ng pag-abot sa isang edukasyong hindi kaya ng ating mga bulsa dahil pinaniniwalaan nating aangat ang ating buhay kapag ikaw ay galing sa isang paaralang sosyal.
Ngunit marami namang paaralan ang nagbibigay ng isang edukasyong dekalidad nang hindi nangangailangang magbenta ka ng iyong lamang loob, pag ikaw ay nagtapos rito, sigurado namang edukado ka paglabas mo.
Ang pagiging edukado ay wala sa paaralan mo, ito ay nasa iyo mismo bilang tao.
Comments
Post a Comment