image by @AOLIRLWW via emaze.com |
Isinulat ni: Conrado de Quiros
Sa panahon natin ngayon, makikita kung gaanong hindi napapa-halagahan ng henerasyon sa kasalukuyan ang wikang Filipino. Ang utak ay nahuhulma sa kakaibang hugis kung saan ang ating pambansang wika ay hindi mahalaga at ikinakahiya.
Simulan natin ang pagtatalakay sa dahilan kung bakit nga ba nawawala na ang paniniwala na ang wikang pambansa ay isang wikang marangal at nararapat isabuhay at isapuso ng bawat mamamayang Pilipino. Una, ayon sa akda, malaking impluwensiya ang Internet. Bakit nga ba? Dahil ang henerasyon ngayon ay bukas ang isipan sa teknolohiya, na halos sa araw-araw na kanilang winawaldas ay hindi mawawala ang pag-gamit ng ‘social media’, at dito ay banyagang wika ang bumubungad na sa mga kabataan at mas napapalawak ang kanilang pag-iisip sa pagtanggap ng ga banyagang salita sapagkat ito ay uso at magandang pakinggan.
Bumaling naman tayo ngayon sa titulo, na sinasabing ang isang wika ay nagsasabi ng isang kapangyarihan. Sa paanong paraan? Marami sa ating mga Pilipino ang itinuturing na ang Ingles ay isang wikang pang-mayaman lamang. Dahil ito na ang kadalasang ginagamit ng mga naka-aangat sa buhay kapag sila’y nagtatalastasan. Kaya tuloy ang naiisip ng karamihan, na ikaw ay magtutunog sosyal kapag ginamit mo ang wikang banyagang ito.
Mayroon akong napanood na bidyo sa ‘Facebook’ kung saan ang isang estudyante roon ay sinabing hindi raw siya sanay na gumamit ng Filipino, dahil natural na raw sa henerasyon ngayon ang pagsamahin ang wikang Ingles at Filipino. Naisip ko sa mga oras na iyon na ang mga kabataan ngayon, syempre kabilang na ako roon, ay hindi na isinasapuso ang wikang pambansa natin. Hinahaluan na ito ng banyagang wika at para narin nating isinasantabi ang Filipino at lumilikha na tayo ng panibagong wikang tayo lamang ang nakaka-alam. At ang masakit pa roon, ay nagpakain na tayo ng sobra sa kultura ng mga puti na pati ba naman sa ating pagsasalita ay isinasama na natin sila.
Hindi ko naman maitatanggi na kahit ngayon, mataas ang aking tingin sa mga nakapagsasalita ng diretso at klarong ingles, dahil kahit ako ay nahihirapang magsalita ng diretsong ingles, at lalo naman ng diretsong Filipino. Kahit nga kapag ako’y nagbabasa ng mga akda ng ating pambansang bayani ay parang dumudugo na ang aking ilong dahil maraming malalalim na salitang Filipino roon ang nagagamit.
Nasa dugo na nating mga Pilipino ang tingalain ang isang bagay na wala tayo, tulad na lamang ng pagkakaroon ng isang matibay na wikang pambansa, ating tinitingala ang Amerika dahil sila’y isang estadong may matibay nang pundasyon.
Tulad nga ng sinabi ni Conrado de Quiros, dapat naka-sentro ang ating pag-iisip ngayon sa kung paano nga ba natin mapapalakas ang wikang Filipino, at mapalakas rin ang wikang Ingles bilang isang pangalawang lengguwahe. Hindi tulad ng nararanasan natin ngayon na para bang kinakalimutan na natin ang wikang ating pinagmulan, ang wikang ipinanglaban ng ating mga bayani sa mga mananakop. Nabubuhay na tayo ngayon sa mundong kapag ikaw ay sumanib sa mga kolonyalista, ikaw ay isang mamayang dapat ipagmalaki at hangaan.
“Ang husay ng lengguwahe ay nasa taong gumagamit nito.”
Parang ang husay ng isang bagay na iyong binili, mahal man ito o mura, depende pa rin talaga ang kalidad nito sa taong gumagamit. Kung ang taong ito ay maingat at marunong magpahalaga, tiyak na hindi mawawasak ang pundasyon ng isang bagay at siguradong lalago at titibay pa ito. Ihalintulad na lang natin ito sa ating wika, ang wikang Filipino.
Comments
Post a Comment