img via foxtailmarketing |
Lahat naman na siguro tayo ay alam ang hatid na dulot ng blog, kung saan malayang naipapahayag ang saloobin o kuro-kuro ng isang indibidwal ukol sa kaganapan sa kaniyang buhay, maliit man ito o malaki. Sa katunayan nga ay marami nang kumikita ng pera para lamang sila’y magsulat sa kanilang blog.
Babalik na ako sa teksto ni ginoong U.Z. Eliserio na nagtuturo ng popular na kultura sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas sa UP Diliman. Aking sisimulan ang isyu tungkol sa pagsasalsal sa publiko ng karamihang indibidwal ngayon sa kasalukuyan. Balingan muna natin ang blog kung saan nakapagha-hayag ng saloobin ang karamihan ngunit nagagambala naman nito ang pribadong pamumuhay ng isang indibidwal.
Ngunit nasa tao naman ito kung gusto ba niya isiwalat lahat ng impormasyon o pangyayari sa kaniya sa araw-araw sa online world. Ayun nga lang, nagku-krus na ang landas ng pribado at pam-publikong impormasyon, na kung titingnan sa perspektibo ng isang taong nais mamuhay ng mapayapa, ang pagsisiwalat ng impormasyong pribado na dapat ay ang malalapit sa buhay mo lamang ang may alam ay isang kilos kung saan pinahihintulutan mo ang ibang tao na makisawsaw sa iyong buhay.
Hindi lamang sa mundong online ito nangyayari, pati na rin sa larangan ng midyang pang-masa. At ano ang nagiging dulot nito? Dahil maraming indibidwal ang nakakakita sa mga telebisyon, tulad ng programang Pinoy Big Brother, at sa mga radio, tulad na lamang ng programa ni papa Jack na tatawag ka sa telepono at ipapahayag ang saloobin mo, laganap na ang isipang maaari mo nang pagtagpuin ang linya ng iyong pribadong buhay at isasa-publiko na ito.
Dahil saan? Dahil naghahanap ng atensyon ang isang tao, dahil nais niyang siya’y bigyang pansin sapagkat inaakala niya na bawat tao sa mundo ay gustong malaman ang kaniyang buhay at mga saloobin. Ipasok natin ang usapin ng Freedom of Speech bilang pangontra. Oo nga’t malaya tayong ipahayag at pagdebatehan ang ating mga hinanakit at damdamin, pero hindi ba’t ikaw, bilang tao, ay alam na may hangganan ang pagpapahayag mo nito?
Laganap na ang mga tao sa mundo ng online na nakikiuso na lamang kahit na hindi naman nila ito nararansan o alam, mga ‘bandwagon’ kumbaga. Ibigay natin na halimbawa ang babaeng nagpapahayag na ang kaniyang puson raw ay lubos na masakit kaya kailangan niya ng pagkain mula sa kaniyang kasintahan. Nabigyan ng atensyon ang babaeng iyon, kaya ang nangyari, sunod-sunod na rin ang mga kababaihan na nagpapahayag na masakit ang kanilang puson, para lamang mabigyan sila ng pansin.
Iyan ay isang isyu ng mga bagay na dapat sarilinin lamang ngunit ipinapahayag pa sa mundo dahil lamang nangangailangan ng atensyon.
Balingan naman natin ang pagiging kapitalismo ng mga lokal na midyum ng bansa. I-kumpara natin ang isang tahanan kung saan naghahari ang padre de pamilya, ang tatay, at ‘under’ niya ang nanay, at sa ibaba ng dalawa ay mayroong isang anak. Ang tatay, siya ang nagbibigay ng gastusing pinansyal sa kanilang tahanan, iniaabot niya ito sa nanay. Ang ginagawa naman ng nanay ay nililimitahan ang pinansyal na gastusin para sa anak.
Ituring na lamang natin ang tatay bilang mga sponsors, at ang nanay bilang isang kompanya ng telebisyon, at ang mga anak naman bilang mga manonood rito. Dahil nga ang tatay ang nagbibigay suporta sa pinansyal na gastusin, maaari niyang diktahan ang nanay kung ano lamang ang dapat na bilhin nito para sa mga anak. Ganoon din ang mga Sponsors ng isang kompanya ng telebisyon, nalilimitahan ang naibibigay na impormasyon sa mga manonood dahil hawak ng mga sponsors sa leeg ang kumpanyang pang-telebisyon na ito.
Para bang ang mundo ng midya ay isang malaking pamilihan na lamang, isang lugar kung saan maaari kang kumita ng pera o maglabas ng pera upang ikaw ay may makuha o mapakinabangan.
Kaya masasabi pa rin na malaya ang tao sa online na mundo kaysa sa mga taong dumedepende lamang sa ipinapakain ng lokal na telebisyon sa kanila.
Sa totoo lang, mahirap na alisin sa baga ng lipunan ang pagiging kapitalismo. Dito na yumayaman ang mga mamamayan, at dito na rin nila nadaramang sila’y isang ‘superior being’ kaysa sa iba pang mamamayan. Ang henerasyon kasi natin ngayon ay henerasyong maramot, kung ano lang ang ikabubuti para sa sarili, iyon lang ang gagawin. Kahit na magdusa ang iba, basta’t ikaw ay nakahiga parin sa iyong kamang ginto ay walang pakialam ang henerasyong ito.
Masyado na kasing nasanay sa isang lipunang naghihirap kaya’y gagawin ang lahat para lamang maka-angat pa kahit na ang mismong paa’y nasa hukay na.
Sinabi sa teksto na ang pundasyon raw ang simula ng lahat. Ang pundasyon ang ugat ng mga paniniwala, ideolohiya at perspektibo ng isang tao. Sinasabi na kapag ang pundasyon ng isang indibidwal ay matibay na, mahirap na itong baguhin, dahil ito na ang pinaniniwalaan niya, hindi na magiging bukas ang kaniyang isipan sa iba pang paniniwala at perspektibo dahil isang pundasyon lamang ang sinusunod o binibigyan niya ng pansin.
Nararapat raw na palawakin natin ang ating pundasyon ng mga ideolohiya at paniniwala, nararapat na buksan an gating isipan sa impormasyon na maaari pang ibigay ng iba. Lahat naman ng tanong ay may sagot kung, palalawakin ang isipan at hindi lamang isisiksik ang sarili sa isang ideolohiya na kahit ikaw mismo ay hindi pa gaanong kilala ito. Pagkone-konektahin lamang ang pundasyon ng bawat isa upang magkaroon ng konkretong sagot sa iyong tanong.
Dahil lahat ng bagay sa mundo ay konektado.
Maaaring makapagbigay ng malawakang epekto ang mga naisusulat natin sa cyberspce sa maraming tao, kahit na sa lipunan. Basta ba’y palawakin ang pundasyon ng isipan at maging bukas sa lahat ng bagay ay siguradong maituturing kang isang taong may hawak na espada na maaaring gamitin sa digmaan ng isipan.
Comments
Post a Comment