Skip to main content

Ikaw, Utak Talangka ka ba?


Nagniningning ang kalangitan dahil na rin sa ganda ng mga bituin, at lalo na ang bilog at maliwanag na buwan na para bang nagtatawag ng pansin. Umikot ang kamera, at ito’y tumutok sa isang kaganapan sa ilalim ng mapayapang kalangitan. Makikita ang dalawang taong masayang naglalakad-lakad sa gilid ng kalsada, walang trapiko, walang polusyon, walang mga tambay, at halos payapa ang lahat. Walang kahit na anong negatibong bagay kungdi lahat ay positibo lamang, dalawang taong masayang naglalakad sa kapayapaan ng gabi, nagtatawanan at para bang may sumasabog na makukulay na disenyo sa kanilang likuran.

Ang pahayag sa itaas ay isa lamang sa nais ipakita sa isang pang-karaniwang pelikula kung saan binabago nito ang imahe ng reyalidad ng isang lugar o ng kasalukuyang panahon. Ibinabaling ng mga ganitong pangkaraniwang eksena sa mga palabas ang atensyon ng mga manonood sa kung anumang nangyayari mismo sa harapan ng kanilang sariling mga mata.

Ano nga ba ang nagagawa ng isang pelikula sa mga makakapanood nito? Nahuhulma ng isang pelikula ang estraktura ng pag-iisip ng mga makakapanood nito, para bang ito’y nagiging basehan na ng kanilang ugali o kung paano nila tingnan ang kanilang mundo at ang mga taong malalapit sa kanila. Ang pelikula ay isang broadcast medium na nakapagbibigay ng malaking impluwensya, oo nga’t nagiging ‘passive’ ang mga manonood, kaya tuloy isinusubo na lamang ng mga manonood ng pelikulang ito ang impormasyon o kung anumang ipinapakita sa pelikula.

Hinahayaan na lamang ng mga manonood na magpadala sa agos, sila ay nagmistulang mga patay na isda sa dagat na hindi na kaya pang suportahan ang kanilang katawan kaya’y hahayaan na lamang nilang kontrolin sila ng karagatan, patuloy na nagpapadala sa alon.

Sa akda, sinuri ni Nicanor G. Tiongson ang kabuuan ng mga pelikula, nagbigay siya ng kanyang opinyon, positibo man o negatibo, ukol sa nagiging dulot ng mga makalumang pelikula o patatanghal, simula pa sa panahon ng mga pananakop, hanggang sa nahawa na rin ang mga makabagong pelikulang Pilipino.

Ang puno’t-dulo ng ganitong epekto ng pelikula ay mula, syempre, sa mga nanakop sa ating bansa. Mula sa panahon ng mga Kastila, sumunod ang mga Amerikano, hanggang sa kasalukuyan ay nahubog na ang isipan ng mga Pilipino dahil na rin sa mga ipinapakita sa pagtatanghal noong panahon ng kanilang pananakop.

Oo nga’t panimulang ang-iimpluwensiya lamang ang nabigay ng mga kolonyalista sa ating bansa, ngunit hindi ito naging dahilan upang tapusin kaagad ang nasimulan ng mga kastilang sumasamba raw, at ng mga amerikanong mararangal at matatapang raw.

Hanggang ngayon  ang ating isipan ay nagmistulang talangka, makitid kung kaya’y limitado lamang ng impormasyon ang nasasagap. Hindi man lamang natin sinusubukang buksan ang kaisipan at tayo na mismo ang maghanap ng impormasyon na isusubo sa ating mga utak. Ang ating naka-ugalian ay ang pag-tanga at maghintay na lamang na mahulog ang bunga. Tayo ang mga modernong  Juan Tamad.

Isa pang magandang punto sa akda ang pagpapa-laganap ng isang napakamaling kaisipan ng mga palabas. Ito talaga ang tumatak sa aking isipan, at ako mismo ay napatigil at napaisip na tama nga, ito na nga talaga ang kaugalian ng mga Pilipino sa kasalukuyan.

Ano ang kaisipang ito? Ito ang kaisipan na Mabuti ang Inaapi.

Lahat naman siguro tayo rito ay pamilyar sa teleseryeng “Mara Clara”. Isang sikat na teleserye kung saan makikita ang pag-iisip na kapag ikaw ay inaapi ay dapat huwag nang lumaban pa, dahil sa huli ay makakahinga ka rin sa pang-aapi na dinaranas mo. Ihalintulad natin ito sa mga Pilipino at sa mga kasalukuyang isyu. Halimbawa, Inflation rate.

Ang Inflation Rate ay isang problemang nagpapahirap sa mga ordinaryong mamamayan ng mga Pilipino dahil na rin sa gobyerno. Ngunit ano ang ginagawa ng mga Pilipino? Kahit na hirap na hirap na sila kakakayod para lamang may pambili ng 70 pesos na bigas, at 150 pesos na isang pirasong Bangus, ay tinatanggap pa rin nila ang ganitong uri ng ekonomiya at sitwasyon sa ating bansa.

Bakit? Dahil may paniniwala tayo na balang araw ay makaka-unlad rin tayo o di kaya’y yayaman din sa dulo at sa wakas ay magiging maayos na ang bawat sulok ng mundo. Pero hindi iyon nangyayari, kaya ang ginagawa natin ay ang pagtanggap sa mga pang-gigipit, pang-aapi, at pananakit ng sikmura dahil nga sa dulo ay makakatikim din tayo ng isang masarap na pagkain sa hapag-kainan na paniguradong magpapaligaya sa atin.

Balik na lamang ulit sa mga iniidolo nating palabas at artista na nagpapakita ng perpektong buhay, masyado na yatang napalayo ang diskusyon ko.

Minsan napapaisip ako kung bakit kaya hinahayaan ng mga tao sa likod ng mga palabas na ito na ganoong uri na lamang ng impormasyon at perspektibo ang napapalabas ng mga teleserye o pelikulang ginagawa nila. Alam naman nilang malaking impluwensiya iyon sa mga manonood lalo na ang mga manonood na “passive”.

Pero sa dulo pala kahit saang anggulo ka man tumingin sa mundo, lahat ay napapagalaw ng pera. Lahat ay uhaw at humahabol ng pera. Dahil ang pera ang gasolina ng bayan.

Kaya sa susunod na magtataka ulit ako kung bakit hindi nabibigyan ng sapat na pondo ang mga pelikulang may magandang dulot kahit na karapat-dapat naman itong suportahan, ang iisipin ko na lamang ay mahirap nang gawing malawak ang utak ng mga taong utak talangka, na limitado lamang sa kaching at maling kaisipan.

Comments

Popular posts from this blog

Kung may Tiyaga, may Nilaga

Sabi nila, hindi mo kasalanan kapag ipinanganak ka na mahirap. Ang kasalanan raw ay ang mamatay kang naghihirap pa rin.  Noong una, labis na pinaniniwalaan ko ang katagang iyan. Napapaisip ako na, oo nga, kasipagan ang sagot sa pagiging mahirap. Kapag ikaw ay may sipag at tiyaga, siguradong ligtas ka na sa kahirapan o di kaya’y makakabangon ka na mula sa bangungot na ito. Pero habang tumatagal, at ang aking pananaw sa buhay  ay lumalawak, at ang bawat sulok ng mali sa mundo ay unti-unti nang nabibigyan ng liwanag sa aking utak, saka sumagi sa aking isipan na hindi mahihirap lamang ang may kasalanan kung bakit sila ay naghihirap.  Sino ang dapat sisihin? Sa tingin ko ay ang uri ng pamamalakad sa ating bansa, sa medaling salita, ang mga taong nasa likod ng mga naglalakihang kumpanya, mga taong nakaupo sa makintab na pwesto, o iba pang taong mala-Diyos na kung isamba ng ilan.  Hindi ko naman sinasabi na isisi na sa mga naglalakihang tao na ito kung bakit hanggan...

Edukasyon, Susi sa Kahirapan

Edukasyon.  Isang bagay na nagpapatakbo sa  buhay ng bawat estudyante.  Bawat araw, gigising ng maaga, papasok sa eskwela, makikinig sa mga turo ng propesor, at uuwing may baon na kaalaman, minsan.  Halos kalahati ng buhay ng bawat mamamayan ang nasasakop ng edukasyon. Bakit nga ba tayo nag-aaral? Bakit ba tayo obligadong pumasok sa eskwela at magtapos ng kolehiyo?  Kung ako ang tatanungin kung bakit ng aba ako nag-aaral, ang isasagot ko lamang ay upang magkaroon ng direksyon ang aking buhay at sana, sa dulo ng direksyong ito ay isang magandang kinabukasan na makakatulong hindi lang para sa akin, kungdi para na rin sa pamilya ko at sa bayan. Ang edukasyon ay isang obligasyon upang magkaroon ng mga magagaling  at may alam na susunod na henerasyon ang lipunan. Nag-aaral ang mga kabataan para may maiambag hindi lamang sa  kanilang sariling kapakanan, kungdi pati na rin sa kapakanan mismo ng lipunang ating sinisinta. Ang edukasyon raw ang magpapa...

TANSONG ASAL GINTO

Tansong asal Ginto Ang akdang ito ay nagpapahiwatag kung paano tinitingala ng mga kababayan nating Pilipino ang isang uring nakaa-angat ngunit nagpapasailalim naman sa mga kolonyalista. Tulad ng sa naunang akda ni Bienvenido Lumbera na ating tinalakay na pinamagatang, Edukasyong Kolonyal: Sanhi at Bunga ng Mahabang Pagkaalipin, nabanggit rito kung paanong ang isang wikang banyaga ay sumisimbolo sa karangyaan. Dito sa akdang ito, ipinakita kung paanong ang isang pribadong paaralan na karamihan ay mayroong mga estudyanteng nakatataas ay naiimpluwensiyahan ang pag-iisip ng mababang uri ng mga Pilipino. Masasabing marami sa ating mga Pilipino ang pilit na itinataas ang kanyang sarili sa lipunan kahit na ang kanyang pinansyal na bulsa ay wala namang laman. Sila yung mga taong matatawag na mga ‘Social Climber’. Balik tayo sa usaping pang-pribadong paaralan ng ating bansa. Muli, ang ugat kung bakit mas maraming edukasyon na ang naihahatid ng mga pribado o eksklusibong paaralan kays...